Koronadal City, Hunyo 18, 2024 – Pormal na nilagdaan ang Memorandum of Understanding (MOU) para sa SOCCSKSARGEN Research, Development, and Innovation Research Agenda (SOX RDIRA) noong Hunyo 18, 2024, sa Paraiso Verde Hotel, Koronadal City.

Ang nasabing paglagda ng MOU ay sumisimbolo ng pagtutulungan ng Regional Development Council (RDC) XII, Regional Research Development and Innovation Committee (RRDIC) XII, iba’t ibang research and development consortium sa rehiyon, mga State Universities and Colleges (SUCs), at Higher Education Institutions (HEIs) upang mas mapagtibay at mapalawak ang research and innovation sa SOCCSKSARGEN.

Unang ipinakilala ang SOXRDIRA noong Mayo 3, 2024. Ito ay naglalahad ng mga prayoridad ng rehiyon sa pananaliksik at inobasyon, na umaayon sa mga layunin ng SOCCSKSARGEN Regional Development Plan ( o RDP). Nagbibigay rin ito ng impormasyon tungkol sa mga research funding agencies kung saan maaaring pondohan ang mga research projects o proposals.

Sa press conference na isinagawa pagkatapos ang pagpirma ng MOU, binigyang-diin ni Regional Director Sammy P. Malawan ng DOST XII ang potensyal ng agenda na tugunan ang mga hamon sa lipunan sa pamamagitan ng pananaliksik at inobasyon. Samantala, ipinahayag din ni Assistant Regional Director Romel Patrick E. Tanghal ng NEDA XII ang kahalagahan ng isang sentralisadong databank para sa mga pagsisikap sa pananaliksik sa rehiyon. Aniya, “Ang SOXRDIRA ay tumutulong na bigyang prayoridad ang pagpopondo sa research at i-direkta ang mga resulta ng pag-aaral sa mga sektor ng lipunan na may malaking kontribusyon sa pag-unlad ng ating rehiyon.”

Dinaluhan ang seremonya ng mga pangunahing stakeholder mula sa academe, research consortia, mga ahensya ng gobyerno, at media, na nagpapakita ng malawak na suporta at pangako sa inisyatiba.

Sa bisa ng MOU, gagamitin ng mga stakeholders and even ng mga estudyante ng Graduate school ang SOXRDIRA bilang pangunahing gabay sa pananaliksik at inobasyon. Inaasahan na ang sentralisadong prosesong ito ay magpapadali sa pagpapatupad ng mga inisyatibo sa pananaliksik, maiiwasan ang pagdoble ng mga proyekto, at magpapabilis ng paggawa ng mga naaayong rekomendasyon para sa mga tagapagpasiya.

Para sa karagdagang impormasyon tungkol sa SOXRDIRA, hinihikayat ang mga interesado na makipag-ugnayan sa NEDA XII o DOST XII sa pamamagitan ng kanilang official websites at social media pages.